Welcome to DepED Community !!!

Tuesday, February 5, 2019

11 estudyanteng nag-cutting classes, nahuling nagpa-pot session


Labing-isang Grade 9 students na dapat sana ay nasa eskuwelahan ang nahuling nagpa-pot session umano sa isang bahay sa Makati City, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.


Nabisto ang ginagawa ng mga estudyante matapos daw magreklamo ang isang kapitbahay dahil sa ingay nila.

Pagpasok ng mga tanod at pulis sa tinatambayang bahay ng mga estudyante sa Barangay Southside ay agad nilang napansin ang amoy ng marijuana.

"Nagresponde ang mga Bantay Bayan kasama ang ating mga pulis, pagdating don, pagbukas ng pintuan, nadatnan ang mga kabataan na nangangamoy marijuana," ani Senior Inspector Gideon Ines ng Makati Police.

Aminado raw ang mga estudyante na nag-cutting classes sila dahil exams week lang naman daw.

Napag-alaman din ng mga pulis na ang binatilyong nagsilbing host ng mga kaklase ay anak ng isang nasa drug watch list ng otoridad, bagama't hindi raw niya alam ito.

"Wala akong alam dun, sir. Wala naman sinasabi papa ko sa akin," aniya.

Depensa ng mga kaklase niya, nadamay lang daw sila.

Dadalhin ang mga estudyante sa Social Welfare Department para maproseso dahil underage pa sila.

Laging gulat naman daw ng mga magulang ng mga estudyante nang malaman ang nangyari sa kanila at sinabing magsisilbi itong wake-up call para sa kanila na lalong bantayan ang kanilang mga anak. 

Source: GMA News

No comments:

Post a Comment

Related Post